Friday, September 16, 2011

ANG HIWAGA NG MGA NAGLALAHONG TISYU

ANG HIWAGA NG MGA NAGLALAHONG TISYU


PAALALA:
  • Hindi lahat ng pangyayari sa kwentong ito ay hango sa totoong buhay.
  • May mga maseselang eksena, kaya’t patnubay ng magulang ay kailangan.
  • Ang tunay na pangalan ng mga bida ay sadyang iniba para na rin sa kanilang personal na kaligtasan at seguridad.
  • Ang lahat ng bida sa kwentong ito ay may student number na nagsisimula sa 2003. Ngunit pakatandaan, pare-parehas man ang kanilang student number, hindi sila magkakaedad.
  • Masayang pagbabasa..




ANG HIWAGA NG MGA NAGLALAHONG TISYU


            Ikalawang semester ng 2003, pinagamit na rin sa wakas sa publiko ang bagong tayong gusali sa loob ng pamantasan ni Luwalhati. Ang bagong gusali ay may anim na palapag, habang ang ikapito naman ay nagsisilbing helipad. Mayroong dalawang bagong elevator, isang modernong silid aklatan, malawak na klasrom na mayroong dalawang pintuan, platform para sa mga instructor, corridor, atrium, office, hagdan, AVR, canteen at comfort room.

            Lahat ay nasasabik na makatuntung sa bagong gusali. Mahigit tatlong taon rin ang tinagal ng construction para sa nasabing gusali.

            Ang mga kaibigan ni Margarita (maaring halos ng fine arts ay may ganitong pakiramdam.) ay tila hindi nasisiyahan sa kanilang paglipat sa bagong gusali. Masyado na silang napamahal sa bahay ni lola. Hinahanap hanap pa rin nila ang sariwang hangin na nagmumula sa malalaking bintana sa bawat silid. Muli nilang inaasam ang samyo ng bulaklak at ng mga damo, ang huni ng mga ibon, ang sabay sabay na pag-awit ng mga palaka, ang paghalik ng hangin sa kanilang pisngi, ang paghampas ng mga dahon ng puno sa bubong ng lumang gusali, ang mga yabag na nagmumula sa mga nagtatakbuhang studyante na humahangos sa pagpasok sa kanilang klase. Lahat ng ito’y napalitan ng modernong kagamitan, modernong pakikisalimuha.

            Ilang buwan din ang lumipas bago tuluyang natanggap ng karamihan ang nasabing pagbabago. Dinalaw dalaw na lamang nila ang lumang gusali tuwing nakakararamdam sila ng lungkot.

            Ang bawat lugar sa bagong gusali ay ginawa nilang kapakipakinabang. Katulad na lamang ng 5th floor, kung saan ang buong palapag ay ginawa nilang isang malaking drawing board. Ang pader naman ay ginawa nilang isang malaking painting. Ang mga upuan, lamesa ay hindi rin nakaligtas sa mga malikhain nilang kamay.

            Ang buong gusali ay pinalakad ng ibat ibang sangay ng organisasyon. Nariyan ang dekano, mga professor, sekretarya, mga estudyante, mga gwardya, at ang pinakamahalagang tao sa organisasyon ay ang mga pinlan. Sila ay isang sangay na tumutulong mapanatiling malinis at organisado ang lahat. Sila rin ang namamahala sa elevator, ang nagdidilig sa mga halaman at puno. Kung wala sila, isang malaking disaster ang buong pamantasan. Ang buong 5th floor ay malamang isang malaking freedom board.

            Masigasig nilang ginagawa ang kanilang trabaho. Ang ilan pa nga sa kanila ay kadikit ng mga estudyante. Kung nawawala ang isang myembro ng kanilang grupo; maari mo silang tanungin kung nakita ba nila o hindi, o kaya kung dumating na ba ang kinakatakutan professor.

            Sa bawat ginagawang gusali, naging tradisyon na rin ang pag-aalay. Minsan, naghahandog sila ng dugo *maaring dugo ng hayop katulad ng manok ang ihandog* para sa ikatitibay ng pundasyon, o para na rin sa mga nilalang na matagal ng naninirahan sa lupang pagtatayuan ng gusali. Hindi batid ng karamihan kung ano ang inalay sa gusali noong ito’y ginagawa pa lamang. Kaya kung ano anong espekulasyon ang lumabas.

            Kahit bago pala ang gusali, kahit na naalayan ito ng handog, hindi pa rin ito ligtas sa mga ispiritung gala. Kaya pagsapit ng dilim, palakasan ng loob ang bawat isa. Partikular ang mga gwardyang rumoronda sa buong pamantasan, ang mga pinlan na pinapanatiling nasa ayos ang lahat, at ang mangilan ngilang professor at estudyante na may pang gabing klase. Kaya kahit bago pa lamang ang gusali ay balot na ito ng hiwaga at misteryo.

            Ang mga espekulasyong at haka haka bumabalot sa bagong gusali ay naging sentro ng usapin. Ang iba ay ginawang libangan ang pagsasalin ng kwento, na kalaunan ay nadagdagan / nabawasan ang mga impormasyon na nababalot sa nasabing kwento. Ngunit, marami ang nagpatotoo sa nasabing kwento. Hindi lamang ito isang  imahinasyon, sapagkat marami ang nakaramdam ng kilabot na bumabalot sa mga haka haka.

Mayroon raw multo na hindi matahimik ang patuloy na gumagala sa bagong gusali. Naramdaman ito ni ate sa elevator, kung saan may pumindot daw ng button pababa sa ikalimang palapag. Pagdating sa nasabing palapag, ay tahimik na ang buong palapag, at ilang ilaw na lamang ang nakabukas, wala na rin siyang matanaw na tao. Sa hindi masabing dahilan, biglang tumindig ang kanyang balahibo, ang kanyang ulo ay tila lumalaki, at para bang may kung anung malamig ang dumapo sa kanyang balat. Tila isang pares ng mata ang nakatingin sa kanya. Dali dali niyang isinara ang pintuan ng nasabing elevator. Ngunit may kung anung pwersa ang humahadlang sa kanya. Isang taimtim na panalangin ang kanyang pinakawalan. Sa pagkakataong ito, biglang sumara ang pintuan ng elevator. Ngunit parang may nakamasid pa rin sa kanya. Pagdating sa ground floor, dali dali siyang umalis sa elevator at naghanap ng kapalit.

            Sa isang banyo naman sa nasabing gusali, alas otso ng umaga, isang eksena ang nagpakilabot kay ate sa c.r.  Tandang tanda nya kase na habang naglilinis siya ng isang cubicle, ay tila may isang anino ang nagdaan. Hindi niya ito pinansin. Matapos malinis ang cubicle, nilagyan na nya ng refill ang lalagyanan ng liquid hand wash, at ang lalagyanan ng tisyu. Pagkatapos nyang gawin ito, ay nagtungo siya naman siya sa c.r ng lalaki upang alamin kung tapos na si kuya sa c.r na maglinis ng banyo ng lalaki. Wala pang limang minuto ang lahat, naisipan na nyang bumalik sa c.r ng babae. Laking gulat nya ng makita nyang halos kalahati na agad ang bawas ng tisyu. Dali dali siyang lumabas upang alamin kung may nagtungo na ba sa c.r. Ngunit wala siyang matanaw na kahit isang nilalang sa koridor. Biglang nanindig ang kanyang balahibo. Nalaala niya ang mga nakaraang usapan ukol sa multong di matahimik. Kaya napagpasyahan niyang lumabas ng c.r at maghanap ng makakasama.

            Hindi niya ikinuwento ang nangyari sa iba pa niyang kasamahan. Bugkos ay isinantabi niya ang takot na nadarama. Ala una ng hapon ang pagrerefill muli ng tisyu. Ibang ate naman sa c.r ang magrerefill. Katulad ng naunang eksena, isang nakakahindik na pangyayari ang naencounter ni ate. Dali dali siyang bumalik sa kanilang headquarter, at hinanap ang naunang ate na naglinis ng c.r. Magkatulad na magkatulad ang kailang kwento.

            Hindi lingid sa kaalamanan ng mga estudyante ang nasabing insidente. Umiikot sa buong pamantasan ang nakakahindik na experience nila ate sa c.r. Ang grupo ni Margarita ay isa sa mga unang nakabatid nito. Naging tampulan ng usapan nila ang mga pangyayari. Kanya kanyang pabida ng kanila teorya.

Sa lahat ng kaibigan ni Margarita, si Anne Marie ang pinakatakot. Sapagkat, lihim siyang pumapasok sa c.r ng babae kapag batid niyang walang masyadong tao sa corridor ng 5th floor. At doon, ay buong giliw niyang pinagmamasdan ang sarili habang nagbooty shake.

Binalak nila ate na h’wag muna nilang lagyan ng refill ang lalagyanan ng tisyu, sa lahat ng c.r sa bagong gusali. Ngunit tila galit ang kung anu mang elemento na gumagala sa gusali. Nandyan na may bungang pulbos sa mga salamin, at nakasulat ang katagang “TISYU”, o kaya naman ang tubig sa sahig, ay may nabuong salita na “TISYU REFILL”. Pati ang c.r ng panlalaki ay may mga gantong eksena.

Medyo gimbal na ang lahat sa mga kakatwang pangyayari. Ang iba, pinagbibintangan ang mga inosente para lamang may managot sa pangyayari. Si Domina, ay isa sa mga hindi nakaligtas na pinagbintangan. Si Anne Marie na kilalang may inis kay Domina ang nagkalat sa mahalay na isyu. Nangalap siya ng mga kakampi, at pinagkalat na si Sophia talaga ang may sala. Ang sabi pa nga ni Anne Marie, simula ng tumambay si Sophia sa Fine Arts ay hindi na natapos ang mga nakakagimbal na pangyayari. Kung tutuusin, may tama naman si Anne Marie, sapagkat kahina hinala ang mga kilos at motibo ni Sophia. Business Major siya, ngunit ang kanyang attendance sa lahat ng klase ng mga kaibigan ni Margarita, *kahit pagsama samahin pa ang lahat* ay kumpleto. Ngunit, dahil inosente si Sophia, hindi napatunayan ang mga mahahalay na paratang ni Anne Marie. Kaya patuloy pa rin ang pagtambay niya kasama ng mga kaibigan ni Margarita.

Katulad sa naunang pahayag, ang grupo ni Margarita ay mula sa dalawang grupo na pinag-isa. Nariyan ang mga “DIWATA” at ang “AMBUSAN”. Sa Diwata, kahit iilan lang sila ay hindi pa rin sila ganap na magkakaclose. Si Azula, ang pinakahuling myembro nito, at tanging si Teacher lamang ang kaclose niya. Ngunit, sa paglipat nila sa bagong gusali, naging kadikit nya si Margarita. Lubos itong pinagtakahan ng lahat.

May kung anung bagay ang nag-uugnay sa kanila. Nahuhuli din sila ng iba nilang kaibigan na tila nagbubulungan sila at may taktikang pinag-uusapan. Ngunit kahit anung gawin ng iba nilang kaibigan ay hindi nila mabatid kung anung meron sa dalawa.

Sobrang magkaiba ng kanilang ugali. Si Margarita ay ubod ng ganda at ang kanyang alindog ay kinahuhumalingan ng lahat. Nais din siyang ipirata ng ibang grupo. At ang kanyang mga tagahanga ay hindi mabilang. Sobrang daldal at napakaingay. Sa kabilang banda, si Azula ay isang payak na binibini. Taliwas sa maharot na ugali ni Margarita, siya naman ay tahimik at kung minsan ay nahihiyang makihalubilo sa iba. Kaya isang palaisipan ang kanilang pagsasanib pwersa.

Lumipas ang ilang taon, ngunit ang mga nakakagimbal na pangyayari ay nagpatuloy na nanakot sa karamihan. Partikular ang mga eksena sa banyo. Mas lalong naging malapit sila Margarita  at Azula sa isa’t isa. Ang mga kaibigan ni Margarita ay natakot na rin. Si Anne Marie ay nanghihinayang sapagkat hindi na niya napagmamasdan ang sarili sa pagbobooty shake.

Isang araw, isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Habang ngarag na ngarag ang mga kaibigan ni Margarita kakagawa ng plate, sila ay nagkukulay gamit ang watercolor. Si Ashlee at Keppy ay nangailangan ng basahan o tisyu para ipunas ang excess water sa brush nila. Naghanap sila sa council ng mga retasong tela na mula sa mga nakaraan fashion events, ngunit karamihan sa mga telang  nandoon ay water resistant. Gumamit sila ng papel, ngunit hindi sapat ito para kuhanin ang excess water sa brush nila. Lumapit ang dalawa kay Margarita upang magtanung kung mayroon siyang basahan o tisyu. Ngarag na ngarag din ng mga panahon na yun si Margarita, kaya sinabi na lang niya na kumuha sa bag niya. Ngunit laking gimbal ng dalawa ng paghalwat nila ng bag ni Margarita, Ang mga nawawalang tisyu sa c.r ang bumulaga sa kanila. Napatakip na lamang sila ng bibig sa pagkabigla. Napuna ni Margarita ang kakaibang reaksyon ng dalawa. Bigla siyang tumayo. Si Azula na nasa ibang silid ay napasugod bigla. Nasesense nya na may paparating na gulo. Kinorner ni Margarita at Azula sila Ashlee at Keppy. Ang huli ay napaatras sa takot. Ninais nilang isiwalat ang katotohanan, ngunit sila pinagbantaan nila Margarita at Azula na kung ilalantad nila ang katotohan, “MAY KAMUKA SILA”. Sa sobrang takot nila, hindi na nila napagpatuloy ang kanilang paghahabol sa pagtapos sa Major Plate nila. Napatunganga na lang sila sa tabi. Napuna ng kanilang professor na tila may bumabagabag sa dalawa, kaya kahit hindi pa man oras ng Meryenda, ay napasabi na lang siya ng “MERYENDA TYM”. *kaboses si Michael V. habang sinasambit ito.*

Magkakasabay nilang pinuntahan sila Nicole, Anne Marie, Toni. G, at Brix sa ikalimang palapag. Hindi nila maihakbang ang kanilang mga paa sa sobrang nginig. Kaya hinila nila Margarita at Azula sila Keppy at Ashlee. Pagdating sa ikalimang palapag, sumilip lang si  Margarita sa bintana ng pintuan, at nakita na siya ng mga adver major. Dali dali na rin silang lumabas, ng hindi nagpapaalam sa kanilang professor. Nawalan na ng ganang kumain sila Keppy at Ashlee, ngunit bumili pa rin sila ng sangkaterbang chichi. Kaya masayang masayang nagmeryenda sila Margarita at Azula.

Lumipas ang ilang taon at nagtapos na ng pag-aaral ang tropa ni Margarita. Ngunit ang takot na nadarama nila Keppy at Ashlee ay nanatiling buhay sa kanilang puso’t isipan. Walang nakakaalam o nakakabatid ng misteryo ng pagkawala ng mga tisyu bukod sa kanilang apat. Tinangkang sabihin nila Keppy at Ashlee ang lahat ng kanilang nalalaman, ngunit sa tuwing nagkakaroon sila ng lakas ng loob, may nagtetext o kaya naman may nagwawall post sa kanila na “MAY KAMUKHA KA”. Ang hiwaga ng mga naglalahong tisyu ay natigil lang ng makagraduate na sila Margarita at Azula.



- WAKAS -


Inilathala ni:
Bb. LaBeouf
<쪴ቻ>09-13-2011</쪴ቻ>

ANG NAWAWALANG SAINGAN

 ANG NAWAWALANG SAINGAN 10/25/2024 PAALALA : Maaring ito ay base sa tunay na buhay, o maaring kinuha lang ang kwento sa ibang tao. Ikaw na a...